Ni ESTONG REYES
TALIWAS sa posisyon ng Palasyo, hayagang tinabla ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang isinusulong na dagdag-sahod sa hanay ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Partikular na tinukoy ni Laguesma ang panukalang P100 legislated wage hike na aniya’y posibleng magdulot ng masamang epekto kabilang ang sibakan sa trabaho, pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado at pagdapa ng gross domestic product ng bansa.
Paglilinaw ng Kalihim, hindi kontra ang kagawaran sa umento para sa obrero. Sa halip na legislated wage hike, isusulong aniya ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagrerebisa sa umiiral na minimum wage hike sa 17 rehiyon.
Katunayan aniya, naglabas na rin ng abiso ang ahensya sa mga employers na paghandaan ang pagbibigay ng dagdag-sahod sa mga empleyado sa sandaling matapos ang pag-aaral na isinasagawa ng regional tripartite wages and productivity boards (RTWPB).
Para kay Laguesma, kailangan balansehin ang pangangailangan ng mga manggagawa at ang kakayahan ng pinapasukang kumpanya.
Sa pagtataya ng DOLE chief, kaunti lang ang tatalima sa legislated wage hike na isinusulong ng Kongreso lalo pa’t malaking bahagi ng negosyo sa bansa ay pasok lang sa kategorya ng “micro, small and medium enterprises.”
Iba naman ang posisyon ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) Formal Labor and Migrant Workers Sectoral Council na nagpahayag ng suporta sa legislated wage hike na dinidinig sa Kamara.
Samantala, kinastigo naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Laguesma bunsod ng pagkontra sa panukalang legislated wage hike.
“I’m saddened and shocked to hear the statement of the Secretary of Labor in objecting to higher wages for the labor sector by rejecting our reasonable Minimum wage hike bill that would increase by a modest P100 across the board for all our minimum wage earners in the country,” wika ni Zubiri na unang nagsulong ng P100 legislated wage hike sa Senado.
Para kay Zubiri, bigo si Laguesma isulong ang interes ng manggagawa, alinsunod sa mandato ng pinamumunuang ahensya.
“He is slowly becoming one of the more unpopular Labor Secretaries,” pasaring ng Senate President kasabay ng panawagan sa Palasyo na ilipat na lang si Laguesma sa Department of Trade and Industry (DTI) kung saan katanggap-tanggap ang pagpanig at pagsusulong ng interes ng mga pribadong kumpanya.
