TUTOL man ang Palasyo, tinuloy pa rin ng Kamara ang pagsusulong ng panukalang amyenda sa Saligang Batas sa kabila nakalululang P28 bilyon na kailangan para matustusan ang kalakip na plebisito.
Sa pagharap sa House Committee on Constitutional Amendments, inamin ni NEDA Undersecretary for Legislative Affairs Krystal Lyn Tan Uy na hindi praktikal na ibukod sa barangay election sa Oktubre ang plebisito dahil na rin aniya sa kakapusan ng pondo.
“If it’s going to be held as a separate national election and national plebiscite, the total cost would be P28 billion,“ ayon kay Uy.
Sa pagtataya ng NEDA official, papalo lang sa P30 milyon ang gastusin sa plebisito kung isasabay sa Barangay election – o di naman kaya ay sa 2025 midterm election.
Sa ilalim ng Saligang Batas, may mandatong magpatawag ng Constitutional Convention (ConCon) ang Kongreso kung saan ⅔ votes lang ang kailangan para makalusot ang ChaCha.
Mas maraming kaalyado naman ang kailangan ng mga pro-ChaCha group sa ilalim ng Constituent Assembly (ConAss) kung saan ¾ votes ang pamantayan para maisalang sa plebisito ang isinusulong na amyenda sa saligang batas.
“If the cost is for a separate national plebiscite of a constituent assembly, the estimated cost is P13.8 billion”, ani Uy.
Sa botong 16-3, ganap na pinagtibay ang Committee report ng House Resolution on Both Houses (RBH) na nanawagan ng ConCon.