IKINASA ni reelected Leyte Rep. Martin Romualdez at Tingog Partylist ang pagpapalabas ng P360-milyong ;pondo sa ilalim ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), gayundin ang pamamahagi ng family food packs at iba pang relief goods para sa mga biktima ng pagbaha dulot ng bagyong Crising at Habagat.
Ayon kay Romualdez, na tumayong House Speaker sa nakaraang 19th Congress, ang ipamamahaging tulong ay tugon ng Kamara sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at isasakatuparan sa nasa 36 congressional district na nasa Metro Manila, gayundin sa mga karatig-probinsya — katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian.
“This is just the beginning of our coordinated disaster response. Malayo pa ang mararating ng tulong na ito at hindi pa ito ang huli. Ang importante, agad natin maramdaman ang pagtulong ng administrasyong Marcos,” pahayag ni Romualdez, isang abogado mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).
Bukod sa pinansyal na tulong, sinabi ng Leyte lawmaker na nakahanda na rin ang mga relief pack para sa malawakang pamamahagi, kabilang na ang pagseserbisyo ng Tingog hot meals para sa mga evacuees na pansamantalang nanunuluyan sa mga paaralan, covered court, at iba pang evacuation centers.
“Nais nating iparating sa bawat apektadong pamilyang Pilipino na sa panahon ng kalamidad ay nandito ang gobyerno ni Pangulong Marcos para tumulong. Lahat ito ay paalala na hindi kayo nag-iisa. Kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng pagbangon,” dagdag niya.
Ani Romualdez, ang maagap na paglalaan ng AKAP funds at relief goods ay repleksyon ng mga aral mula sa nakaraan kung saan naging mabagal ang pagtugon sa mga kalamidad at nagdulot ito ng matinding epekto. Dapat din umanong magkaroon ng sapat na kahandaan at koordinasyon ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan kasama na ang pribadong sektor.
“Natutunan na natin ang hirap kapag huli ang aksyon. Kaya ngayon pa lang, naglatag na tayo ng tulong para hindi na kailangan maghintay pa ang mga kababayan natin,” sabi ni Romualdez.
Samantala, muli ring naging operational ang Relief Coordination Desk ng tanggapan ni Romualdez at ng Tingog Party-list upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga nasalanta gaya noong panahon ng pandemya at mga naunang bagyo. Ang desk na ito ay nagsisilbing pangunahing ugnayan ng mga apektadong mambabatas, pambansang ahensya, at mga lokal na taga pagtugon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
