SA halip na balikatin ng mga kumpanyang nasa negosyo ng public utility, gobyerno ang gagastos para ilipat ang mga posteng nakabalagbag sa gitna ng kalsada.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), tutustusan ng ahensya ang paghawan sa mga poste ng Meralco at iba pang service utility companies na naiwan sa mismong daan ng mga sasakyan matapos palaparin ang mga kalsada.
Sa kalatas ng DPWH, maglalabas ang DPWH Legal Service at Regional Right-of-Way And Legal Division (ROWALD) ng detalyadong master list mga lugar kung saan nananatiling abala sa daloy ng trapiko ang mga posteng nasa ‘right of way.’
Kabilang rin sa itinutulak ng departamento ang panuntunan sa pagbabayad sa mga tatamaan ng right-of-way.
“We are working with a P50 million budget in 2023,” ayon kay DPWH Undersecretary Anne Sharlyne Lapuz.
Sa mga nakalipas na panahon, hindi na halos mabilang ang dami ng mga nasaktan at binawian ng buhay matapos maaksidente bunsod ng mga nakahambalang na poste sa gitna ng mga kalsada.