“THIS is the proper time, this is the proper venue, and in the interest of justice, let us open the box,” muling hirit ng House prosecution panel bago pa man ganap na sumipa ang pagdinig ng Senate impeachment court sa kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Paglilinaw ni House impeachment trial spokesperson Zia Alonto Adiong, hindi naman kailangan tanggapin agad bilang ebidensya ang mga dokumentong nasa loob ng “sealed box” na naglalaman ng tax records ng pangalawang pangulo.
“Hindi natin po hinihingi agad-agad na ma-admit ang mga ebidensya na ito. Ang hinihingi po ng prosecution ay supervised opening upang makita ang mga dokumento at mamarkahan ang mga ito upang maging mas matiwasay at mas madali ang diskusyon sa magiging impeachment trial,” ayon pa kay Alonto Adiong.
Ang sealed box na na mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ay kapwa inilista ng prosecution at defense panel bilang “reserve evidence” sa impeachment case.
Giit ng prosekusyon, makakatulong and tax record alamin kung tugma ang kita ni bise-presidente sa yaman na nakasaad sa mga naturang dokumento.
Kumbinsido rin ang lupon ng tagausig na hindi saklaw ng “confidentiality clause” ang tax information kung bubusisiin sa legislative inquiry sa pamamagitan ng executive session.
Ang pagbubukas aniya ng kahon sa ilalim ng court supervision ay magbibigay ng patas na pagkakataon sa magkabilang panig na nagpahayag ng pagnanais markahan bilang ebidensya nila ang mga tax records.
