MATAPOS pukulin ng kabi-kabilang batikos kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa flood control scandal, hinimok ng Palasyo ang publiko na huwag masyadong mainip lalo pa’t layon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tiyakin matibay ang kaso laban sa mga dorobo sa gobyerno.
Sa isinagawang press briefing, partikular na tinukoy ni Undersecretary Caire Castro ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nangangasiwa sa imbestigasyon sa eskandalong kinasasangkutan ng mga kontratista, mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga mambabatas na kilalang malapit sa administrasyong Marcos.
Una nang pinuna sa social media ang “usad-pagong” na imbestigasyon ng ICI.
“Hindi ito kailangan madaliin. Kahit ordinaryong case, preliminary investigation pa lang, hindi mo agad agad makikita sa kulungan yan,” wika ni Castro.
Ibinida naman ng opisyal ang assets freeze order na inilabas laban sa mga pinaniniwalaang sangkot sa pinakamalaking anomalya sa kasaysayan ng bansa.
Hindi rin aniya dapat masayang ang pagsisikap ng Pangulo na puksain ang katiwalian sa pamahalaan.
“Kailangan ng proseso, hindi puwedeng basta-basta magpapakulong… ‘Yun pala walang dahilan, eh di laya din after,” pahabol ni Castro.
