TALIWAS sa alegasyon ng China, walang anumang pangakong binitawan ang gobyerno ng Pilipinas sa naturang bansa, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil.
Partikular na tinukoy ni Garafil ang patutsada ng Chinese Ministry of Foreign Affairs kung saan pinasaringan ang Pilipinas sa kawalan ng isang salita. Gayunpaman, walang tinukoy na opisyal ng gobyerno, administrasyon o petsa kung kailangan anila nangako ang Pilipinas na tatanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“No such thing,” maikling tugon ng Garafil.
Maging ang National Security Council (NSC), itinangging may kasunduan hinggil sa pag-alis ng BRP SIerra Madre, na nagsisilbing himpilan ng mga kawani ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.
“The PH has not and will never enter into any agreement abandoning its sovereign rights and jurisdiction over Ayungin Shoal,” ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa isang opisyal na pahayag.
Taong 1999 nang i-posisyon ng gobyerno ang BRP Sierra Madre (isang barkong ginamit ng US Navy noong World War II) na nagsilbing himpilan ng Pilipinas sa nasasakupang teritoryo.
“What we are doing is purely supplying our troops there. As I said, sila nga nagmi-militarize ng mga ibang mga kapuluan. Tayo, we are just supplying our troops to maintain our presence in the shoal.”
Agosto 5 nang muling nagpamalas ng pagiging siga ang China sa karagatang pasok sa 200 nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas matapos ‘bombahin’ (gamit ang water cannon) ng Chinese Coast Guard ang mga sasakyang-dagat ng Pilipinas habang naglalayag sa West Philippine Sea para magdala ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga sundalong Pinoy na nakahimpil sa BRP Sierra Madre.
“They conducted dangerous maneuvers, blocking the Philippine Coast Guard and there was a need for the commanding officer to order the engine to stop at saka mag-backing kasi otherwise babangga sila,” wika naman ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.
Sa ulat ng PCG, anim dambuhalang barko ng China ang kumuyog sa resupply mission.