MATAPOS lagdaan ang Executive Order 16, agad na binalasa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ahensyang nangangasiwa sa pagpapabuti ng imahe ng gobyerno.
Kabilang sa mga bagong opisyales na hahalili sa mga pinagsumite ng courtesy resignation sina Honey Rose Mercado bilang Undersecretary for Traditional Media and External Affairs; Franz Gerard Imperial bilang Undersecretary for Broadcast Production; at Gerald Baria bilang Undersecretary for Content Production.
Pasok din sa bagong Presidential Communications Office sina Patricia Anne Magistrado na hinirang bilang Assistant Secretary for External Affairs; Ma. Rhona Ysabel Daoang bilang Director for Traditional Media; Marvin Antonio bilang Director for Digital Media; at Lois Erika Mendoza bilang Director for Content.
Bahagi rin ng bagong koponan ng PCO, sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Cheloy Garafil, sina Emerald Ridao bilang Undersecretary for Digital Media Services at Cherbett Karen Maralit bilang Undersecretary for Operations, Administration and Finance.
Sa bisa ng EO 16 ni Marcos, inatasan ang mga bagong talagang opisyales ng PCO makipag-ugnayan kay Presidential Adviser for Creative Communications Sec. Paul Soriano sa mga usaping may kinalaman sa “creative communications.”
Balik-PCO na rin ang kontrobersyal na APO Production Unit, National Printing Office (NPO), Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) at ang People’s Television Network (PTV-4).
Sa ilalim ng EO 16, kabilang na rin sa mas malawak na saklaw ng PCO ang Presidential Broadcast Service – Bureau of Broadcast Services; Bureau of Communication Services; News and Information Bureau; Freedom of Information-Program Management Office; Philippine Information Agency; at Presidential Broadcast Staff-Radio Television Malacañang.
Batay sa pinalawak na responsibilidad, mananatili kay Garafil ang pagiging Kalihim, kasama ang limang Undersecretaries, 14 Assistant Secretaries at si Presidential Adviser Paul Soriano.