HINDI na dapat abutin ng ika-100 kaarawan ni Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang kasong plunder na dinidinig ng Sandiganbayan 3rd Division.
Giit ni dating Solicitor General Estelito Mendoza na tumatayong abogado ni Enrile, wala ng dahilan para pahabain pa ang proseso.
“I would like the court to know that the accused Enrile already celebrated his 99th birthday. We do not wish to have this case until he reaches the next century,” ani Mendoza.
Inayunan naman ng panig ng taga-usig ang posisyon ni Mendoza. Katunayan pa, ayon kay Prosecutor Khadaffy Ferdinand Garzon, tatapusin ang testimonya ng 26 pang testigo sa susunod na buwan – bagay na kinontra naman ni Mendoza kasabay ng giit na hindi na kailangan isalang lahat ng mga testigo ng prosekusyon sa paniwalang pareho lang din naman aniya ang ilalahad sa husgado.
Sa rekord ng korte, tapos nang maglahad ng testimonya sina dating Umingan (Pangasinan) municipal agricultural officer Francisco Collado at ang magsasakang na nakilala sa pangalang Rodrigo Soriano. Ayon sa dalawa, wala silang natanggap na anumang “agricultural packages” mula sa tanggapan ni Enrile.
Nanindigan rin sa Garzon na mahalagang bigyan ng pagkakataon sumalang para magbigay ng testimonya ang natitirang testigong inaasahang magsalita hinggil sa Special Allotment Release Orders na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM).
“The prosecution would be terminating the presentation of witnesses by May, with PDAF scam whistleblower Benhur Luy as the last witness.”