SA kabila ng zero-subsidy sa 2025 national budget na pinagtibay ng bicameral conference committee, nananatiling “mucho-dinero” ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ayon kay House Assistant Majority Leader Raul Angelo Bongalon.
Katunayan aniya, nasa P700 bilyon pa rin ang reserve fund ng PhilHealth, bukod pa sa P500-bilyong investible fund.
Gayunpaman, lubos na nakapagtataka aniyang bigo pa rin ang state health insurer na palawakin ang mga benepisyo pinagkakaloob sa mga miyembro, o di naman kaya’y pababain man lamang ang buwanang premium na kinakaltas sa mga pangkaraniwang obrero.
“Halimbawa na lang — sa 4% annual interest, dapat may P20 bilyong kita ang P500 bilyon. Saan napupunta ang perang ito?” tanong ng mambabatas.
Hinala ng mambabatas, maaaring may mga opisyal ng PhilHealth na nakikinabang mula sa mga naturang investments
Hirit ni Bongalon, isang congressional inquiry sa natuklasang reserve fund, kasunod ng desisyon ng Kongreso na alisin ang P74 bilyong premium subsidies ng PhilHealth para sa 2025.
Para kay Bongalon, may sapat na pondo pa rin ang PhilHealth para tugunan ang mga benefits package kahit tinanggalan ng subsidiya ang naturang ahensya.
“Karapatan ng mga Pilipino na malaman kung paano ginagamit ang pondo ng PhilHealth,” ayon pa sa Bicolano solon kasabay sa panawagan niyang pairalin ang transparency at pananagutan sa kung mayroon man nagkasala mula sa ahensya. (Romeo Allan Butuyan II)
