
Ni Estong Reyes
TULUYAN nang naisabatas ang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos ang ilang masusing pagsusulong at deliberasyon, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano, chairman ng Senate committee on science and technology na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes, April 24, 2025, ang Republic Act No. 12180 o ang PHIVOLCS Modernization Act, na batay sa Senate Bill No. 2825. Layunin ng batas na palakasin ang PHIVOLCS sa pamamagitan ng pagpapabuti ng mga kagamitan, pagpapalawak ng monitoring network, at pagdagdag ng tauhan sa ahensya.
“By modernizing PHIVOLCS, we are making a bold move to ensure that science and innovation are at the heart of our disaster response and preparedness,” wika ni Cayetano matapos niyang pamunuan ang ratipikasyon ng panukala sa Senado noong unang bahagi ng taon.
Isa sa mga layunin ng batas ay paglalagay ng seismic monitoring systems sa lahat ng 24 na aktibong bulkan sa bansa, mula sa dating sampu lamang. Dagdag pa rito, tataas din ang bilang ng mga earthquake monitoring stations sa 300 mula 125.
“This law will fill the gaps in our disaster monitoring systems and help Filipinos become more prepared when calamities strike,” sabi ng senador.
Magbibigay daan ang batas sa PHIVOLCS na makapag-hire ng mga eksperto at mapabuti ang operational standards nito. Magkakaroon din ang ahensya ng makabagong kagamitan, pasilidad, at mga instrumento para makapagbigay ng tamang data sa disaster preparedness, climate change adaptation, agrikultura, at iba pang mga sektor. Suportado rin ng batas ang mas pinahusay na research at development upang mas mapabuti ang operasyon ng PHIVOLCS.
Ayon kay Cayetano, palalakasin ng batas na ito ang kakayahan ng bansa na tumugon sa mga kalamidad at pangangalaga sa kalikasan. “What we can do is to be prepared, warn people, and of course what we can do is honor God’s creation by protecting nature,” aniya.