SA gitna ng nakaambang peligrong dulot ng matinding init, nanawagan ang isang beteranong senador sa pamahalaan at sa pribadong sektor na ikonsidera ang pagpapalawig ng break time sa hanay ng mga tinaguriang outdoor workers.
Giit ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel, ipatupad ang temporary work break mula alas 11:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon – kung saan aniya mataas ang heat index.
Sa isang panayam, sinabi ni Pimentel na direktang naaarawan ang lahat ng outdoor workers kabilang, ngunit hindi limitado sa construction workers, street sweepers, at traffic enforcers na pahintulutan sumilong upang matiyak ang kanilang kalusugan at kaligtasan.
“Yung pinakamainit na oras. Sa ibang bansa ginagawa na yun. I hope the DOLE (Department of Labor and Employment) will also study that,” ani Pimentel.
Gayunpaman, nilinaw ng senador na dapat alinsunod ang short break sa advisory ng PAGASA.
Una nang nagbabala ang state weather bureau sa nakaambang matinding alinsangan posibleng pumalo sa 55°C – antas ng init na pasok sa kategorya ng ‘extreme caution heat index.’
Kamakailan lang pumalo na sa 43°C ang naitalang heat index sa lungsod ng Dagupan sa lalawigan ng Pangasinan.