TULUYAN nang pinalawig ng pamahalaan ang panahon para mairehistro ng mga mamamayan ang mga ginagamit na subscriber identity module (SIM) card, alinsunod sa Republic Act 11934 (SIM Registration Act).
Para kay Justice Secretary Crispin Remulla, sapat na ang 90 araw para sa mga hindi pa rehistradong SIM cards na tupdin ang atas ng SIM Registration Act, kasabay ng babalang ganap na mapuputol ang linya pagkatapos ng panibagong deadline.
“There is a lengthy extension. But most of the services that come with the cellphones that are not registered will be cut off with the telcos,” ani Remulla.
“So there will be social media unavailability for those who do not register in the next 90 days,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng RA 11934, ide-deactivate ang lahat ng SIM cards na hindi mairerehistro sa takdang panahong inilaan sa ilalim ng naturang batas. Gayunpaman, wala sa anumang bahagi ng RA 11934 ang nagbibigay pahintulot sa mga telecommunications company – at maging sa gobyerno – na paralisahin ang mga mobile apps (tulad ng social media at e-wallet) sa mga di pa rehistradong SIM cards.
Samantala, malugod naman tinanggap ng Sen. Grace Poe ang extension para sa SIM registration kasabay na giit na hindi nilikha ang naturang batas para pahirapan ang mga nasa kanayunan kung saan pahirapan ang signal sa telepono.
“Both the National Telecommunications Commission and telcos must double their efforts in reaching out to subscribers in rural and remote areas. While a number of locations have been visited for remote registration, a lot more ground needs to be covered as key areas such as [the Bangsamoro region] have yet to be reached according to the data by NTC,” saad ng senador sa isang pahayag. (Dagdag ulat mula kay Estong Reyes)