MAS pinaigting ng Department of Health (DOH) ang panawagan sa publiko para magpaturok ng ikalawang booster, matapos makapagtala ng 3,148 bagong kumpirmadong kaso ng nakamamatay na COVID-19.
Sa datos ng DOH, ang mga bagong kaso ay naitala sa loob lang ng isang linggo – mula Abril 17 hanggang 23 ng kasalukuyang taon.
Sa kabuuan, mayroon na anilang 4,336 active cases ng COVID-19 sa bansa.
Gayunpaman, lubhang ikinabahala ng pribadong sektor ang mga bagong datos ng DOH hinggil sa pagdami ng mga nagpopositibo sa COVID-19 – partikular sa pagtataya kung saan lumalabas na pumapalo sa 450 kada araw ang karagdagang kumpirmadong kaso – mas mataas ng 32% kumpara sa datos noong nakaraang linggo.
Pag-amin ng kagawaran, mayroon nang 345 pasyente ang nasa kritikal na kondisyon. Sa naturang bilang, 14 ang bagong kaso, habang lima katao ang binawian ng buhay sanhi ng COVID-19.
Batay sa national tally, umabot na sa 4.08 milyong Pilipino ang tinamaan ng nakakahawang karamdaman na unang nagmula sa bansang Tsina.
Ayon sa pa DOH, mayroon nang higit sa 78 milyong Pinoy nabakunahan laban sa COVID-19, kabilang ang 23 milyong may booster shots.