BIGO ang pamahalaan sa kampanya kontra katiwalian, base sa resulta ng pinakahuling pag-aaral ng Transparency International.
Sa datos ng Transparency International, umiskor lang ng 33 ang Pilipinas sa Corruption Perception Index – 2022, na inilabas nito lamang Enero 31,2023.
Nanguna sa talaan ng CPI – 2022, ang bansang Denmark na may gradong 90. Nasa pangalawang pwesto naman sa listahan ng mga gobyernong agresibong nagsusulong ng mga mekanismo kontra katiwalian ang Finland at New Zealand na kapwa nakasungkit ng 87, habang nasa ikatlong posisyon ang Singapore at Sweden na parehong ginawaran ng 83 puntos.
Tabla sa malayong ika-166 na pwesto ang Pilipinas, Algeria, Angola, El Salvador, Mongolia, Ukraine at Zambia.
Wala naman nakakuha ng siento-por-sientong puntos na pahiwatig na walang bahid korapsyon ang gobyerno.
Pinakakorap naman sa talaan ng Transparency International ang mga bansang Somalia Syria, South Sudan, Venezuela at Yemen.
Paniwala ng Transparency International, isa sa nagtulak sa mas malawakang katiwalian ang pandemya, banta sa kalikasan dulot ng climate change, lumalalang estado ng kapayapaan at seguridad, pagtamlay ng demokrasya at ang paghahari ng mga pasista.
“Corruption and conflict feed each other and threaten durable peace,” ayon pa sa Transparency International.
“The only way out is for states to do the hard work, rooting out corruption at all levels to ensure governments work for all people, not just an elite few,” pahayag naman ni Transparency International chair Delia Ferreira Rubio.