
Si Noralin Babadilla (kaliwa) matapos palayain ng militanteng Hamas. Courtesy: Jerusalem Post
KINUMPIRMA ng Israeli Embassy sa bansa ang pagpapalaya sa Pinay na hostage ng militanteng Hamas sa Gaza.
Kasalukuyang nasa Tel HaShomer Hospital ang Pinay na si Noralin Babadilla, 60, para sa kinakailangang konsultasyon.
“The Israeli Embassy in Manila expresses great relief upon the release of Ms. Noralyn ‘Nataly’ Babadilla from captivity by Hamas after 53 days,” ayon sa kalatas ng embahada.
Si Babadilla at ang kanyang Israeli partner na si Gideon ay bumisita sa kanilang mga kaibigan sa Kibbutz Nirim noong Oktubre 7 nang umatake ang Hamas sa Israel at patayin ang mga naabutan doon kasabay ang pagbihag sa ilan.
Pinatay si Gideon ng Hamas, ayon sa embahada.
“Miracles happen. Welcome back home, Noralyn!”, sabi ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss.
Si Babadilla at kasamang isa pang Pinoy na si Jimmy Pacheco ay tatanggap ng suporta mula sa Israeli government.
Sinabi ng embahada na nahanap na ang lahat ng nawawalang Filipino nationals matapos ang pag-atake ng Hamas.
“The Israeli government is committed and will do whatever is needed to bring them back home,” ayon pa sa embahada.