SA gitna ng pagpapalawak ng railway system sa bansa, hindi angkop na bigyang prayoridad ang pagpapatayo ng shopping malls at condominium sa mga karatig lupang babastasin ng North-South Commuter Railway Project (NSCRP) ng gobyerno.
Para kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, dapat bigyang prayoridad ng pamahalaan ang socialized housing para sa mga mahahagip ng naturang proyekto, kasabay ng giit na ikonsidera sa disenyo ng P50-bilyong halaga ng mass transport project ang sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng NSCRP, tatlong contract packages na nagkakahalaga ng P50 bilyon ang nilagdaan para sa 14.9 kilometrong elevated railways at viaducts na itatayo sa Blumentritt, Buendia, EDSA, Senate, Bicutan at Sucat.
“Hindi lang problema sa transportasyon ang pwedeng matugunan ng railways projects. Isa rin itong oportunidad para makapagtayo ng mga abot-kayang pabahay at maging tulay sa pagitan ng mga magsasaka at pamilihan sa siyudad,” aniya.
Ayon kay Hontiveros na dapat samantalahin ng pamahalaan ang proyekto sa pagpapalawak ng market access ng magsasaka mula sa rural areas – “Railways can connect remote and rural agricultural areas with urban centers and export markets. Konektado na ng tren mula Clark hanggang Calamba at sa long haul project hanggang Bicol . Dapat samantalahin ito ng gobyerno para sa wakas ay mapadali na para sa mga masasaka ang mai-angkat ang produkto sa mga palengke sa siyudad,” ayon kay Hontiveros.
“Hindi na kailangan umasa pa ng magsasaka sa mga middlemen na doble managa ng presyo at bibilhin lang sa kanila ng palugi ang mga produkto. Sana nandoon si Presidente bilang Agriculture Secretary dahil sa mga palibot ng itatayong tren na ito pwedeng magkaroon ng patotoo ang paulit-ulit na sinasabi nilang value chain para sa maliliit na mangingisda at magsasaka.”
Hindi rin aniya dapat paboran ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga private property developers sa alokasyon ng mga lote sa paligid ng istasyon ng tren.
“Huwag sanang hayaan na pag-agawan ng mga property developers ang palibot ng mga train station. Kailangan nating bigyan ng puwang ang murang pabahay ng DHSUD para sa mga kababayan natin na hindi kayang magbayad ng mataas na presyo ng mga high rise condominiums,” ani Hontiveros, miyembro ng Senate committee on urban development, housing and resettlement.
“Para walang hirap na makapunta sa trabaho, eskwela, ospital, pasyalan at ibang serbisyo publiko ang 10,000 na pamilya na apektado ng construction ng riles at 50 stations mula Clark hanggang Matnog,” dagdag niya.