ISUSULONG ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, na kandidato rin sa pagka-senador ngayong May 2025 midterm polls ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng ‘prayer breaks’ ang mga Muslim employee.
Paliwanag ni Tulfo, sa ilalim ng pananampalatayang Islam, “limang beses kailangan magdasal ang mga kapatid nating Muslim sa isang araw.”
“Dalawa rito ay mahahagip sa oras ng paggawa tulad ng ‘Dhuhr’, na isinasagawa bandang tanghali na pag-alala kay Allah at paghingi ng direskyson sa kanya. Habang ang ‘Asr’ ay sa bandang hapon naman bilang pag-alala pa rin kay Allah at pagmumuni sa kanilang buhay kung ito ba ay naaayon pa rin sa kagustuhan ni Allah,” dagdag pa ng senatorial aspirant.
“Kadalasan nahihiya na magpaalam ang mga kapatid nating Muslim sa employer o boss niya kasi baka ano pa ang masabi sa 10 to 15-minute break na hihingin niya lalo pa kung iba ang relihiyon ng supervisor o amo niya,” pahayag din ni Tulfo.
Dahil dito, sinabi ni Tulfo na agad siyang maghahain siya ng isang panukalang batas para mabigyan ng dalawang prayer breaks ang mga Muslim workers sa kanilang trabaho mapa-pribado man o gobyerno, sa loob ng walong oras na paggawa.
Nakapaloob din aniya dito ang pagbibigay ng isang prayer room o espasyo man lang para sumamba ang mga Muslim employees ng kumpanya o ahensya.
Sinabi ni Tulfo na ang hakbang niyang ito ay bilang tugon na rin sa kahilingan ng ilan niyang mga kaibigang Muslim, ang magkaroon ng batas para makasamba sa oras ng paggawa.
Pinuri at pinasalamatan naman ng ACT-CIS partylist solon ang ilang kumpanya o ahensya ng gobyerno na ang nagpapahintulot ng prayer breaks sa kanilang mga Muslim workers partikular na sa Muslim Mindanao provinces. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
