Ni Estong Reyes
TINALAKAY ng ilang senador at eksperto mula sa United Nations ang posibleng panukal na magbabawal sa prison torture, kamakailan, ayon kay Senador Francis Tolentino.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Tolentino, chairman ng Senate justice and human rights at kinatawan ng UN Subcommittee on Prevention of Torture (SPT) na kanilang tilakay ang batas na magbibigay ng “national preventive mechanism” laban sa torture sa loob ng kulungan.
“’Yung kakulangan natin sa batas, kasama rin si Senator [Ronald] dela Rosa, iko-co-sponsor na namin. Mayroon nang isang naka-file para po sa January ay tumakbo na po ang proseso at maka-comply tayo sa requirement ng United Nations Convention on the Law of Torture,” ayon kay Tolentino.
“Ang sabi kasi nila, hindi lang nakikita sa ibang bansa, sa international community, kulang pa yung ating batas dito,” dagdag niya.
Sinabi ni Tolentino na layunin ng panukala na tiyakin ang transparency sa detention cells.
“Para maging transparent ang mga kulungan, makabisita, madalaw ang mga nakakulong ‘di lang sa national penitentiary, pati sa Immigration detention center, ‘yung temporary detention center ng seniors,” ayon kay Tolentino.
“Para mahadlangan ‘yung torture, cruel, and unusual punishment sa iba’t ibang detention center natin na in violation doon sa convention na ating nilagdaan,” giit niya.
Tinalakay din ang access sa lahat ng Filipino na nakakulong sa ibang bansa ng kinatawan ng UN at Senate panel, ayon kay Tolentino.
Aniya, pangalawang beses nang bumisita ang UN SPT sa Pilipinas hinggil sa naturang usapin.
Ayon kay Aisha Shujune Muhammad, miyembro ng UN SPT, na kanilang ipalalabas ang report sa state party sa kanilang pagbisita. Kahit hindi mandatory sa gobyerno na ipalabas ang report, aniya, hinihikayat ng UN SPT ang alinmang estado na ipalimbag ito.