SA pagnanais na tiyakin hindi mababahiran ng pulitika ang Philippine National Police, nagbabala si PNP chief Gen. Rommel Marbil sa mga kabaro – agad na sisibalkin sa pwesto sinumang pulis ang mabibistong rumaraket sa mga politiko.
Partikular na tinukoy ni Marbil ang tinawag niyang “moonlighting scheme” kung saan karaniwang nagsisilbing bodyguard sa tuwing nalalapit ang halalan.
“Strictly not allowed,” wika ni Marbil kasabay ng giit na hindi trabaho ng mga pulis ang maging anino ng politiko.
Gayunpaman, may mga pagkakataon aniyang sadyang kailangan ng seguridad ng mga politikong may banta sa buhay. Paglilinaw ng PNP chief, may nakalatag na panuntunan ang Commission on Elections (Comelec) para pagbigyan ang hiling na seguridad ng ilang kandidato.
Limitado lang din aniya sa dalawang pulis ang pwedeng italaga sa kandidato nahaharap sa peligro.
Pero bago pa man magtalaga sa pulis, kailangan pa rin umanong linawin at pag-usapan ang mga patakaran ukol sa deployment.
Bukod sa napipintong pagsipa sa serbisyo, sasampahan din aniya ng karampatang kaso ang lalabag sa direktiba – gayundin sa kakanlong sa mabibistong bulilyaso. (Edwin Moreno)
