MARAMING pribadong paaralan ang posibleng magsara na lamang sa sandaling pagtibayin bilang batas ang panukalang nagbabawal sa ‘no permit, no policy.’
Ito ang buod ng pinag-isang liham ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), Philippine Association of Private Schools, Colleges, and Universities (PAPSCU), Association of Christian Schools, Colleges, and Universities (ACSCU), at Unified TVET of the Philippines, Inc (UniTVET) kaugnay ng Senate Bill 1359 (No Permit, No Policy Prohibition Act).
Paliwanag ng mga nabanggit na organisasyon, mawawalan ng pondo ang mga pribadong paaralan sa loob lang ng dalawang buwan – kung hindi oobligahin ang mga estudyante at magulang na magbayad ng matrikula sa takdang panahon.
Anila, posibleng mawalan ng trabaho ang guro at iba pang empleyado sa sandaling mawalan ng cash flow ang mga paaralan.
Maging ang University of Mindanao (UM) na itinuturing na pinakamalaking private school sa Mindanao, at Cebu Institute of Technology (CIT) University, nagpahayag ng agam-agam hinggil sa nasabing panukala.