May 20, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Sa pag-angkat mula Vietnam at India, presyo ng bigas bababa – DA

NI LILY REYES

UMAASA ang pamahalaan na babagsak ang presyo ng bigas sa mga lokal na pamilihan sa sandaling matuloy ang pag-angkat ng Pilipinas mula sa mga bansang Vietnam at India.

Sa kalatas ng Department of Agriculture (DA), nakatanggap na rin anila ng mas mababang presyong alok ng mga negosyante mula sa mga naturang bansa, kasabay ng pag-amin ng kagawaran na sumipa na rin anila ang negosasyon hinggil sa napipintong pag-angkat.

Ayon kay Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban, agad na tumalima ang pamunuan ng ahensya sa diretiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tumatayong Kalihim ng naturang departamento.

“As a result, Vietnamese exporters have given price quotations that are US$30-40  lower than what was quoted in their recent meeting in Malacañang,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng DA.

Naniniwala si Panganiban na ang pagpasok ng tinatayang 300,000 to 500,000 metriko toneladang karagdagang supply ng bigas ang tugon sa mataas na bentahan sa merkado.

Nakikipag-usap na rin aniya ang Pilipinas sa bansang India na pahintulutan ang pag-angkat ng bigas sa ngalan ng tinawag niyang humanitarian grounds.”

“This will help lower the prices of rice as it will further beef up our national inventory which, even without importation, is expected to last for 52 to 57 days by the end of 2023,” aniya pa.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo na sa 9 milyong metriko toneladang bigas ang inangkat ng Pilipinas mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon – mas mataas ng 8.7 milyong metriko toneladang naitalang ani sa unang anim na buwan ng nakalipas na taon.

Una nang tiniyak ng Pangulo na sapat ang supply ng bigas para sa mga Pilipino su susunod na dalawang buwan sa kabila ng pinsalang tinamo sa mga sakahang apektado ng El Nino at mga nagdaang bagyo.