
SA gitna ng mga ulat hinggil sa muling pagpalo ng presyo ng mga produktong agrikultura sa mga pamilihan, ‘sinalakay’ ng dalawang prominenteng kongresista ang dalawang pangunahing establisyemento sa Quezon City para personal na alamin ang totoong sitwasyon sa merkado.
Kasama si ACT-CIS Erwin Tulfo, nag-inspeksyon sa Q-Mart at Commonwealth market si House Speaker Martin Romualdez na una nang nagbabala laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
Partikular na inalam nina Romualdez at Tulfo ang presyo ng sibuyas na unang idinulog sa Kamara matapos pumalo sa halos P200 ang bentahan kada kilo sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila.
“Kaya andito tayo dahil may mga report na tumataas na naman ang mga presyo kaya tinatanong natin dito sa mga nagtitinda ng sibuyas bigas at bawang kung ano talaga ang dahilan bakit tumataas,” ayon kay Romualdez.
Bukod kina Romualdez at Tulfo, bahagi rin ng pwersang ‘sumalakay’ sa Quezon City sina ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap.
Para kay Romualdez, higit na kailangan tutukan ng mga kinauukulan ahensya ng gobyerno ang mga pamilihang karaniwang kinikontrol ng mga negosyanteng utak-sindikato.
Kabilang sa mga binalaan ni Romualdez ang mga bumibili ng sibuyas sa murang halaga mula sa mga onion growers – at saka itatago para lumikha ng tinatawag na artificial shortage na gagamiting dahilan para sa pagtaas ng presyo.
Pagtitiyak ni Romualdez, kakasuhan at ipapakulong ang mga mapagsamantalang negosyanteng mapapatunayan may sala.
“Gusto naming malaman nila na binabantayan natin sila kasi baka akala nila porke’t maraming nangyayari sa West Philippine Sea baka nakakalimutan natin ang isyu na ito. Hindi natin makakalimutan ito hindi natin pababayaan ito kasi ayaw nating mangyari yung kagaya nung nakaraang taon na pumalo at sumipa ang bilihin dito lalo na sa sibuyas,” ani Romualdez.
“Kaya sa mga hoarders sana naman wag nyo namang itago. Ilabas na lang yan. Huwag abusuhin at tutuluyan namin sila.” pahabol ni ni Romualdez.