
Ni Ernie Reyes
DETERMINADO si Senador Risa Hontiveros na matinding kuwestiyunin ang illegal na paglilipat ng halagang P125 milyong confidential fund kay Vice President Sara Duterte noong 2022 na wala sa alokasyon ng General Appropriations Act (GAA).
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros hindi nito titigilan ang Pagkuwestiyon sa naturang usapin na hindi masagot-sagot nang tama ni Duterte sa mga pagdinig, sa deliberasyon ng badyet sa plenaryo.
“Hindi ko talaga bibitawan ito,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na dapat ipaliwanag ni Duterte kung paano inilipat ng Office of the President (OP) ang halagang ₱125 million sa OVP, at kung paano ginastos ang naturang pondo.
“It’s not about her alone, the way she’s behaving dapat talagang ipaliwanag, aniya.
Ayon kay Hontiveros, nagkakabuhol-buhol ang paliwanag ng OVP hinggil dito dahil hindi matukoy kung saan galing ang naturang pondo sa savings upang punahin ang badyet nito o ipinalabas bilang confidential funds.
Pinuna rin ni Hontiveros ang pagkakarambola ng technical terms na ginagamit ng executive department sa pagdepensa sa isyu.
“Kung straightforward ‘yan at above board ang nangyari, the explanation should have been as straightforward, easy, and simple. Hindi parang ganitong namamaluktot talaga sila para sa balu-baluktot na paliwanag,” ani Hontiveros.
Unang Ipinalutang ang isyu ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro mula sa Makabayan bloc sa ginanap na budget briefing sa House of Representatives para sa badyet ng Commission on Audit.
Ayon kay Castro, illegal ang paglilipat ng pondo dahil walang alokasyon si dating vice president Leni Robredo sa confidential funds sa 2022.
Umaasa si Hontiveros kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, kabilang ang “slowly growing number of colleagues in the majority,” na suportahan ang amendment sa susunod na national budget na ilipat ang confidential funds ng civilian agencies, tulad ng OVP, sa line item ng kanilang budget.
Iginiit ni Hontiveros na dapat ilipat ang “major part” ng confidential funds sa tunay na intelligence at national security agencies, tulad ng Philippine Coast Guard na nahaarap sa panganib sa West Philippine Sea.
Humihingi si Duterte ng P500 million para sa confidential funds sa OVP at P150 milyon sa Department of Education, sa 2024.