HAYAGANG tinukoy ng isang dating kongresista si Vice President Sara Duterte bilang mastermind sa likod ng tinaguriang “confiscam” — isang modus sa paglulustay ng hindi bababa sa P612.5 million confidential funds na inilaan sa dalawang tanggapan na hinawakan ng pangalawang pangulo.

“Isang modus na kailangan ilantad, isang pananagutan kailangan harapin at isang pangalang ibinibigay namin sa mga alegasyong ito. Ito ay confi scam,” bungad na pahayag ni House impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers.

“At ang di umano’y mastermind ng operasyon nito ay walang iba kundi si Vice President Sara Duterte,” pasabog ng dating mambabatas.

Ayon kay Barbers, nasundan ng prosekusyon ang paggalaw ng mga pondo at napatunayang mayroong “common pattern” na nagtuturo kay Duterte sa dulo.

“Iba-ibang ahensya pero iisa lang ang modus operandi. Sa pagsunod ng daloy ng pera, lahat ng umano’y maanomalyang daan hinggil sa confidential funds ay patungo sa pintuan ni VP Sara Duterte. Kumbaga, all roads lead to Sara Duterte,” anang former Surigao del Norte congressman.

Giit ni Barbers, ang teorya ng prosekusyon ay hindi nagtatapos sa mga taong mismong kumuha ng pera sa bangko at pinagbigyan nito, sa halip ay hanggang sa matunton kung sino ang nagbigay ng utos sa kabuuan ng operasyon.

“Sa isang scam, pwedeng ibang tao ang mag-withdraw. Ibang tao ang magdala ng bag at ibang tao ang maghanda ng papeles. Pero ang dapat matukoy ay ang scammer na nasa likod ng bawat hakbang sa operasyon,” sabi pa niya.

“Sa kasong inilatag ng prosecution, si Sara Duterte ang tinuturong utak ng operasyon. Isang modus, iisa ang boss. Si Sara Duterte umano ang utak ng operasyon,” aniya pa.

Panghuli, pinaalala niya na “totoong pera ang inilabas, totoong sagot ang dapat marinig at ibalik sa taong-bayan.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *