
BAHAGYANG pinitik ng isang kongresista si Senate President Francis Escudero sa patuloy na pagtanggi simulan ang pagdinig ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V, kung kaya ng Senado na magsagawa ng public hearing kahit naka-recess, dapat din pag-ukulan ng pansin at panahon ang impeachment trial laban sa pangalawang pangulo.
“The Constitution is clear—impeachment is a constitutional mandate, not a political tool. If the Senate can convene during recess to discuss other matters, then it should also be ready to deliberate on the impeachment case against the Vice President,” patutsada ni Ortega.
Giit ng ranking House official, ang impeachment ay isang seryosong proseso na nangangailangan ng transparency, urgency, at impartiality.
“Ang impeachment ay hindi simpleng isyu ng pulitika kundi isang proseso ng pananagutan. Kung may mga paratang laban sa isang mataas na opisyal tulad ni VP Sara, tungkulin ng ating mga institusyon na tiyakin madidinig ng patas at walang kinikilingan,” dagdag pa ni Ortega.
Ayon sa La Union solon, nakasalalay ang kredibilidad ng mga institusyon ng gobyerno sa kanilang pangako na ipatupad ang pananagutan sa pamahalaan.
“Justice delayed is justice denied. Kung gusto nating panatilihin ang tiwala ng publiko, kailangan ipakita natin na walang sinuman ang dapat ituring na higit sa batas. Hindi maaaring balewalain ang isang impeachment case na may bigat sa ating demokrasya,” sabi pa ng kongresista.
Ani Ortega, bagamat kinikilala niya ang kapangyarihan ng Senado na magtakda ng sariling schedule, nanawagan siya sa mga senador na ipakita ang parehong antas ng urgency sa paghawak ng impeachment case tulad ng ginagawa sa ibang usapin.
“Kung may oras para sa ibang isyu kahit naka-recess, bakit hindi pagtuunan ng pansin ang isang usaping may malalim na epekto sa ating bansa? Ang Senado ang may mandato bilang impeachment court, at inaasahan natin na gagampanan nila ito nang walang pag-aalinlangan,” aniya pa.
Tiniyak ni Ortega na nananatiling tapat ang Kamara sa pagpapatibay ng rule of law at pagsunod sa lahat ng mga prosesong itinakda sa ilalim ng 1987 Constitution.
“We in the House have done our part in ensuring due process is upheld. We trust that the Senate will fulfill its duty with the same diligence and impartiality when the time comes,” pagtatapos niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)