
KUNG hindi pa sa pangangalampag ng Commission on Audit (COA), hindi pa uusad ang mga reklamong inihain ng mga manggagawa hinggil sa hindi pag reremit ng Social Security System (SSS) sa kanilang buwanang kontribusyon.
Babala ng COA sa SSS, maaaring maapektuhan ang operasyon ng naturang ahensya dahil sa kabiguan kolektahin ang hindi bababa sa P92 bilyon mula sa hindi bababa sa 466,881 employers sa nakalipas na limang taon.
Pasok din sa naturang halaga ang interes na karaniwang ipinapataw ng ahensya sa mga pumapalya sa itinakdang petsa.
Alinsunod sa Social Security Act of 2018, ang SSS coverage ng mga empleyado ay hindi dapat maapektuhan sa kabiguan o pagtanggi ng mga employer na i-remit ang kanilang kontribusyon. Obligasyon ng SSS bayaran pa rin ang mga miyembro batay sa hindi nakolektang premium contribution na maaaring maging dahilan para maapektuhan naman ang pondo ng ahensya.
Inulit pa ng COA ang mga rekomendasyon nito sa SSS noong nakaraang taon na sundin ang mga alituntunin ng ahensya sa paghawak ng mga pasaway na employer para patawan ng legal na aksyon.
Tugon naman ng SSS sa audit report na kinikilala nito ang mga rekomendasyon ng COA na masusing alamin ang status ng mga delingkwenteng account.
Tiniyak ng SSS na palalakasin pa ang kanilang koleksyon at masusing babantayan ang mga employer na pasaway sa kontribusyon ng kanilang mga empleyado.