
MINALIIT ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang epekto ng tigil-pasadang inilarawang bigong paralisahin ang pampublikong transportasyon sa Metro Manila at mga lalawigan sa labas ng kabisera.
Paandar ng LTFRB, sumapat ang mga libreng-sakay na sabayang tugon ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Ayon kay LTFRB technical division head Joel Bolano, 10% lang ang mga rutang apektado ng transport strike sa Metro Manila.
“If you will ask me about the nationwide situation, only two areas in the country have a situation similar to the National Capital Region. Another is Calabarzon,” pahayag ni Bolano.
Samantala, sa ibang panig ng bansa naging “normal” naman aniya ang public transport situation sa kanilang monitoring bandang 11:00 ng umaga.
“We didn’t see a build-up of passengers.” giit pa ni Bolano.
Umapela rin si LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III sa mga transport group na nagsasagawa ng welga na huwag nang palakihin pa ang problema at sa halip ay ilabas ang kanilang mga alalahanin sa pamamagitan ng mga dayalogo sa gobyerno.
Pagtitiyak pa niya, patuloy na tuturuan ng LTFRB ang mga jeepney driver at operator tungkol sa modernization program.