Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa mas epektibong pagbabahagi ng kaalaman sa mga mag-aaral, higit na angkop na tugunan muna ng pamahalaan ang kapakanan ng mga guro, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), tiniyak ng Pangulo ang dagdag benepisyo sa mga public school teachers sa pagpasok ng susunod na taon.
Bukod sa dagdag-allowance, inihayag din ng Pangulo ang pagbibigay ng personal accident insurance mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at ang tinawag niyang “Special Hardship Allowance.”
Bahagi rin sa mga inilatag na programa ni Marcos sa kanyang ulat sa bayan ang direktiba sa bagong talagang Education Sec. Sonny Angara na una nang inatasan rebisahin ang kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan.
“As we build and upgrade schools, so too must we uplift and upskill our teachers, whose competence and trademark Filipino patience, determination, and compassion will be at the core of our national learning recovery,” wika ni Marcos,
“We have allocated funds to finally implement the expanded career progression system for our public school teachers, which shall promote professional development and career advancement within their ranks,” dagdag ng Pangulo.
Ayon kay Marcos, kasabay sa pagbibigay-pansin na maiangat ang education sector ay tutukan din ng kanyang administrasyon ang career growth ng mga pampublikong guro.
“Sa sistemang ito, wala nang public school teacher ang magreretiro na Teacher I lamang. Sa madaling sabi, kung talagang gusto nating magtagumpay ang hinahangad nating pagbangon sa larangan ng edukasyon, sila, ang ating mga guro ang dapat nating itaguyod at patatagin,” aniya pa.
Hirit ni Marcos kay Angara, palakasin ang sistema ng edukasyon para sa angkop na kaalamang ibabahagi sa mga mag-aaral – hindi lamang sa larangan ng literacy kundi maging sa aspeto ng problem-solving at critical thinking.
“Our national learning recovery program must proceed without the slightest disruption, especially in basic education,” ani Marcos patungkol sa low proficiency ratings ng higit sa kalahati ng Grades 6, 10, at 12 students sa bansa.
Nais naman ng Pangulo na bukod sa paglutas sa problema sa kakulangan ng mga silid-aralan, magkaroon din ng digital transformation kung saan ang lahat ng estudyante ay mayroong computer, digital books and programs, kasabay ng pamamahagi ng smart TV sa halat ng silid-aralan.
Kabilang rin sa target ng Pangulo ang paggamit ng solar power sa mga pampublikong paaralan sa hangaring tiyakin tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente sa mga eskwelahan.
“Digitalization and solar-powered electricity must now be standard features in our schools and our classrooms. Simply put, this is educational reform through technology,” dagdag pa niya.
