Ni ESTONG REYES
WALONG taon matapos ganap na maging batas ang Republic Act 10929 (Free Internet Access in Public Places Act), hindi pa rin sapat sa internet connection sa mga pampublikong paaralan.
Sa hangaring itaas ang antas sa kalidad ng edukasyon sa tulong ng makabagong teknolohiya, sinimulan ni Senador Bam Aquino ang pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa angkop na implementasyon ng Free WiFi law partikular sa “learning materials” sa mga pampublikong paaralan.
Bilang pambungad, nakipagpulong si Aquino kay DICT Secretary Henry Aguda upang talakayin ang mga hamon sa implementasyon ng RA 10929 lalo na sa mga lugar na may limitadong koneksyon sa internet.
Si Aquino ang principal sponsor at co-author ng Free Wi-Fi Law sa kanyang panunungkulan bilang Chairperson ng Senate Committee on Science and Technology.
“Mahalagang matiyak na ipinatutupad nang tama at buo ang batas, lalo na sa panahon ngayon na malaking tulong ang internet access sa mga estudyante. Pinalalawak nito ang oportunidad para matuto at mas pinapadali ang pag-access sa dagdag na kaalaman at learning materials,” ani Aquino.
“Makikipagtulungan tayo sa DICT para matugunan ang mga hamon sa pagpapatupad ng batas, upang mabigyan ng mas malawak na access ang ating mga kababayan sa libreng internet,” dagdag pa niya.
Sa nalalapit na deliberasyon ng pambansang budget, sinabi ni Aquino na itutulak niya ang sapat na pondo para matiyak ang kumpletong implementasyon ng Free Wi-Fi Law.
Sa ilalim ng naturang batas, partikular na isinusulong ang libreng internet access sa lahat ng pambansa at lokal na tanggapan ng pamahalaan, pampublikong paaralan, public transport terminals, pampublikong pagamutan, at silid-aklatan.
May mahalagang papel din si Aquino sa pagpasa ng Republic Act No. 10844 na lumikha sa DICT, bilang isa sa mga co-author ng nasabing batas.
