PARA kay Senador Win Gatchalian, napapanahon nang isakatuparan ang isang bahagi ng batas na nagbigay-daan sa Republic Act 10533 (Enhanced Basic Education Act of 2013).
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Gatchalian ang isang bahagi RA 10533 — na mas kilala sa rawag na K-12 –kung saan nakasaad ang pinaikling panahon sa kolehiyo, kapalit ng dalawang taon na idinagdag sa high school (SHS)
Panawagan ni Gatchalian sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED), balikan, suriin, talakayin at pag-aralan ang senior high school program.
Ayon sa senador, marapat na gawing mas simple ang SHS at paikliin ang bilang ng taong kailangan gugulin sa kolehiyo.
Noon aniyang deliberasyon sa panukalang K to 12 sa Senado, ipinangako na ang dagdag na taon sa high school ay susuklian ng mas kaunting taon sa kolehiyo.
Pinuna naman ng Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mababang proficiency levels ng mga mag-aaral sa SHS batay sa below-proficient National Achievement Test (NAT) scores para sa Grade 12 noong 2022.
Dagdag pa ni Gatchalian, kinakailangan pang magpatupad ng bridging programs ang mga higher education institutions (HEIs) dahil hindi pa handa ang mga SHS graduates sa kolehiyo.
Aniya, isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi nababawasan ang taon sa kolehiyo na isinusulong sa Kongreso.
“Ipinangako ng buong sistema na ‘kapag ipinatupad natin ang K to 12, iiksi ang kolehiyo upang hindi madagdagan ng dalawang taon ang kabuuan ng panahong inilalaan para sa pag-aaral,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
“Mahalagang pag-usapan at pag-isipan ito nang maigi ng DepEd at CHED. Pagsikapan nating mapababa ang bilang ng taon sa kolehiyo upang makapagtapos na agad ang mga mag-aaral at makapagtrabaho na sila agad,” dagdag na pahayag ni Gatchalian. (ESTONG REYES)
