MAHAPDI ang latay sa turismo ng bansa kung hindi agad malulutas ng Philippine National Police (PNP) ang kasong kinasasangkutan ng isang babaeng Slovac national na pinaslang matapos gahasain sa gitna ng pagdiriwang ng International Women’s Month.
Sa isang pahayag, lantarang kinalampag ni Senador Lito Lapid, chairman ng Senate committee on tourism, ang PNP kasabay ng panawagan lara sa paspasan at puspusang imbestigasyong naglalayong tukuyin at panagutin ang mga hindi pa nakikilalang salarin.
Para kay Lapid, higit na angkop pagtuunan ng pulisya ang pagresolba sa kaso upang mapawi ang takot at pangamba ng mga turista sa isla ng Boracay.
“Dapat mabigyan ng hustisya ang Slovak national para mawala ang takot at pangamba ng mga dayuhan at lokal na turista na magtungo sa Boracay,” ayon kay Lapid.
Inihayag ito ni Lapid kasunod ng apela ng Federation of Women Associations in Boracay and Malay (FEWABOMA) na agad malutas ang kaso ng pagpatay at pang-abusong sekswal sa isang foreign tourist na si Michaela Mickova sa world famous island kamakailan.
“Hangad po natin na mabilis ang aksyon ng kapulisan sa pagbibigay ng hustisya sa nasabing dayuhang turista na nagbabakasyon sa Boracay at walang awang pinatay ng ilang suspek,” ayon kay Lapid.
Pag-amin ni Lapid, meron nang mga persons of interest pero kailangan pang magkaroon ng masusing imbestigasyon para malaman ang katotohanan sa karumal-dumal na krimen.
Sa naturang diyalogo, hinikayat din ni Lapid ang mga kalalakihan na igalang at proteksyunan ang mga kababaihan mula sa pang-aabuso at pangma maltrato.
Kabilang si Lapis sa mga may-akda ng Magna Carta of Women (Republic Act 9710) na nagbibigay ng pantay-pantay na oportunidad, ligtas na espasyo, proteksyon at kagalingan ng mga Pinay.
Nakipag-dayalogo kay Lapid ang ilang opisyal at kasapi ng FEWABOMA sa pamumuno ni Desiree Segovia sa Caticlan Airport, Malay, Aklan nitong Huwebes.
Humingi rin ng tulong kay Lapid ang grupo para hilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magdagdag ng seguridad sa pamosong isla upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, lalo na ang mga dayuhan ngayon panahon ng summer.
Sa pagpapatuloy ng kampanya, naglibot si Lapid sa pamamagitan ng motorcades mula sa Antique, Iloilo hanggang Aklan nitong nakalipas na linggo. (ESTONG REYES)
