BILANG paghahanda sa kinabukasan ng mga kabataan, isang panukala batas na nagtutulak na isama ang financial literacy at entrepreneurship sa mga aralin ng junior at senior high school.
Sa Senate Bill 2113 na inihain ni Senador Bong Go, target ng panukala susugan ang Republic Act 10679 (Youth Entrepreneurship Act) kung saan magkasama sa isang aralin ang financial literacy at entrepreneurship.
Para kay Go, higit na angkop paghiwalayin ang dalawang paksa para mas maunawaan ng mga mag-aaral, kasabay ng giit na balewala ang intensyon ng RA 10679 kung hindi rin naman lubos na mauunawaan ng mga kabataan.
Mungkahi ni Go, isulong ang entrepreneurship sa hanay ng mga estudyante sa pamamagitan ng mga programa at serbisyong magpapaunlad sa tinawag niyang ‘entrepreneurial mindset.’
Batay sa datos ng Global Entrepreneurship Monitor, 46% ng mga Pilipino – partikular ang mga pasok sa hanay ng mga tinaguriang bagong henerasyon – ang may mas mataas na antas ng positibong pananaw sa mga oportunidad kaugnay ng negosyo.
Paliwanag ng senador, mainam kung isusulong ng pamahalaan ang pagnenegosyo bilang alternatibo sa pag-eempleyo kung saan limitado sa buwanang sahod ang kita.
Bukod sa interes sa pagnenegosyo, kabilang rin sa giit ng senador ang pagbabahagi ng kaalaman sa wastong paghawak ng salaping pinaghirapan.
“Ang kabataan ang kinabukasan ng ating bayan. Bigyan natin sila ng kailangan nilang kaalaman para magkaroon ng mas magandang oportunidad na umunlad. Tulungan natin silang makaahon lalo na ‘yung mga mahihirap,” ani Go.