HINDI bababa sa P6 bilyon ang kabuuang halaga ng subsidiyang hindi pa ibinibigay ng pamahalaan sa mga state colleges and universities (SUC) sa iba’t ibag panig ng bansa.
Para kay ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio, malaking dagok ang kabiguan ng pamahalaan ibaba ang pondo sa mga SUCs na nagpapatupad ng libreng edukasyon.
“Nakausap po namin yung isang malaking grupo ng mga SUC administrators at isa po ito sa, hindi lang sa isang okasyon ay binabanggit nila na napakalaki na raw po at nagpatong-patong yung free higher education subsidy deficiencies,” wika ni Tinio na tumatayong deputy minority leader sa Kamara..
Kabilang aniya sa patuloy na patuloy na pinagkaitan ng nakalaang subsidiya ang Polytechnic University of the Philippines (PUP).
“From school year 2022 to 2023 hanggang 2024 to 2025, umaabot na raw po sa P1.18 billion ang free higher education deficiency sa PUP pa lang,” anang partylist solon.
Sa nakaraang budget briefing, sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) chairperson Dr. Shirley Agrupis na mula 2020 hanggang 2024 ang kabuuang deficiency ay umaabot sa P6 bilyon.
Bukod sa utang sa mga SUC, kinondena ni Tinio ang baryang Higher Education Development Fund na ibinigay sa Commission on Higher Education (CHEd).
Panawagan ng militanteng kongresista sa mga kapwa mambabatas, isama ang paglalaan ng P6 bilyon sa 2026 budget para maiwasan ang pagbulusok ng dropout rate sa mga kolehiyo at unibersidad ng pamahalaan.
Iminungkahi rin ni Tinio kunin ang pambayad sa alokasyon ng flood control projects para sa susunod na taon.
“Sa halip na maglaan pa ng bilyon-bilyon sa mga flood control projects na binubulsa lamang ng mga korap, dapat ilaan ang pondo sa edukasyon, kalusugan, at pabahay.”
