Ni EDWIN MORENO
ANIM katao ang binawian ng buhay sa bagsik na ipinamalas ng bagyong Enteng sa lungsod ng Antipolo sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Henrilito Bernardo na tumatayong hepe ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kabilang sa mga namatay ang tatlo katao kabilang ang dalawang menor de edad at babaeng nagdadalantao na pawang nasawi bunsod ng landslide.
Sa ulat ng CDRRMO, natabunan ang bahay ng mga biktima matapos gumuho ang luma sa sa mataas na bahagi ng Sitio Hinanao, Barangay San Roque ng nasabing lungsod.

Kwento ng saksi na kinilala sa pangalang Argie Rondina, mahimbing na natutulog ang mga biktima sa kanilang tahanan sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan nang maganap ang landslide malapit sa tinitirhan ng mga sawimpalad na residente dakong alas 8:00 ng umaga.
Mabilis naman sumaklolo ang mga kapitbahay na manu-manong nagbungkal ng pinaghalong putik at batong nakadagan sa mga kabahayan. Nagawa pa umanong isugod sa Rizal Provincial Hospital ang mga biktimang idineklarang dead on arrival.
Samantala, dalawa pang iba ang namatay matapos malunod bunsod ng baha sa Barangay San Isidro, habang isa pang mula naman sa Barangay Sta. Cruz ang patuloy na hinahanap.
