
SA ikalawang araw ng tigil-pasada, mananatili ang agapay ng lokal na pamahalaan ng Malabon sa programang libreng-sakay para sa mga apektado sa pagpapatuloy ng malawakang welga ng mga operator at drayber bilang pagtutol sa PUV Modernization Program na itinutulak ng gobyerno.
Batay sa datos ng pamahalaang lungsod, pumalo sa 3,000 commuters ang naihatid sa kani-kanilang patutunguhan sa unang araw ng welga.
Pagtitiyak ng pamunuan ng Malabon, mananatili ang libreng-sakay hanggang sa matapos ang tigil-pasadang ikinasa ng mga transport groups sa Metro Manila at iba pang lugar sa labas ng kabisera.
Ayon kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, mananatiling bukas ang linya ng pamalahalaamg lungsod sa tawag ng pangangailangan.
Mungkahi ng punong lungsod, makipag-ugnayan sa Command Center. I-type ang katagang PSTMO o di naman kaya ay MDRRMI, mensahe at saka ipadala sa 225687. Pwede rin aniyang magtext sa 09176TXTMJS o 09176898657.