
WALANG planong magpataw ng dagdag-presyo ang kalipunan ng mga panadero sa kabila pa ng walang puknat na pagsirit sa bentahan ng mga rekado sa paggawa ng tinapay.
Ayon sa Asosasyon ng mga Panaderong Pilipino (APP), mananatili ang presyo ng mga tinapay (at iba pang produktong ginagamitan ng harina) sa merkado hanggang sa matapos ang tag-init.
Para kay APP president Lucito Chavez, malaking kaluwagan sa kanilang hanay ang pagtitiyak ng kanilang mga supplier na hindi magtataas ng presyo para sa mga rekadong ginagamit ng mga panadero sa paggawa ng tinapay.
Gayunpaman, nilinaw ni Chavez na ang garantiya ay may bisa lang hanggang sa buwan ng Hunyo – “Hanggang second quarter lang kasi ang assurance sa amin ng di nila tataasan ang presyo ng mga rekadong kailangan namin sa paggawa ng tinapay.”
Humingi rin ng paumanhin ang grupo sa serye ng pagtaas sa presyo ng tinapay noong nakaraang taon. Aniya, hindi rin nila nais na magpataw ng dagdag-presyo kung hindi lang dahil sa dagok ng inflation.
“Tumaas lahat… hindi na namin kinaya ang presyo ng harina, gatas, asukal at shortening, maging ang diesel.
Pag-amin ni Chavez, mababa ang demand ng tinapay tuwing tag-init.
“During summer, customers prefer cold and refreshing snacks instead of bread or sandwiches. Our sales are always lower when the temperature is high. It is a bad time to raise prices. Fortunately, inflation on our raw materials has stabilized and we will pass on the benefits to our customers.”