TALIWAS sa pagtataya ng pamahalaan, posibleng abutin ng ilang taon ang perwisyong dulot ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro halos isang buwan ang nakalipas.
Ayon kay Mindanao State University Prof. Hernando Bacosa na kilala sa larangan sa environment science, mananatili ang epekto ng oil spill sa mga susunod na taon kahit pa matapos ang isinasagawang clean-up operation sa mga apektadong lalawigan ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Antique, Palawan at Batangas.
Paniwala pa ng propesor, nakadagdag pa sa mabilis na pagkalat ng tumagas na langis ang malakas na hampas ng hangin sa karagatan.
“Based on my experience in the state of Texas in the USA, it usually takes years and perhaps decades to really go back to the original state of the environment,” ayon kay Bacosa.
“We know very rich ang area sa biodiversity so pagna-disrupt mo yung pagkain ng ganitong isda or marine organism, chain reaction yan sa food web natin na maapektuhan ang ability ng fish to lay eggs, nababaog ang isda,” dagdag pa ng siyentipiko.
Umiiral na rin fishing ban sa mga apektadong lugar.
Samantala, nagsagawa ng aerial inspection si Defense Sec. Carlito Galvez, kasama ang pamunuan ng Philippine Coast Guard sa hangaring makita ang lawak ng apektadong karagatan.
“Ito pala, medyo ano yung current, magulo, hindi ma-predict. At saka sabi ng mga expert is something extraordinary yung wave characteristics ng Mindoro,” bulalas ng Kalihim.