PORMAL na inilunsad ng Kamara ang “Alagang Kongreso” na naglalayong maghatid ng tatlong bahagi ng institutional care program para sa mga retirado at aktibong kawani ng mababang kapulungan.
Layon ng Alagang Kongreso suklian ang sakripisyo ng mga retirado at aktibong kawani ng Kamara sa bisa ng serbisyong pangkalusugan at iba pang tulong mula sa pamahalaan tulad ng public assistance requests at pagkakaloob ng bagong executive check-up package.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, layon ng nasabing programa itaas ang kalidad ng serbisyo publiko sa Kongreso — bagay na makakamit lamang aniya kung malakas ang pangangatawan at malayo sa karamdaman ang mga empleyado ng pamahalaan.
Bukod kay Marcos, katuwang sa likod ng Alagang Kongreso si House Speaker Faustino Dy na nagbigay hudyat sa agarang pagpapatupad sa mga nasabing programa — patunay ng pagpapahalaga at malasakit ng pamunuan ng Kamara sa mga retirado at aktibong kawani ng institusyon.
“Alagang Kongreso is about making care visible. Kapag mas madali ang access sa check-up, mas malinaw ang support system para sa retirees, at mas maayos ang paglapit ng taumbayan para sa tulong, mas nagiging makatao ang institusyon at mas nagiging maayos ang serbisyo,” paliwanag ng Ilocos Norte solon.
“Under Speaker Bojie Dy, the House has been building an institution that not only legislates care but also puts it into practice. May programa at may benepisyong pwedeng maramdaman ng tao,” anang House Majority Leader.
Sa ilalim ng Alagang Kongreso, may tatlong bahagi ang programang tinatawag na ‘Dakilang Yugto’ para sa retired Secretariat personnel; kasunod ang ‘Suporta sa Bayan Desk,’ na matatagpuan sa North Gate Screening Facility; at ang HRep Executive Check-Up Program sa People’s Center Cathedral.
Paliwanag ni Marcos, ang ‘Dakilang Yugto’ ay pagkilala sa mga retired Secretariat sa paraan ng pagkakaloob ng wellness sessions, learning activities, community events, assistance services at livelihood o skills-building opportunities.
Ang ‘Suporta sa Bayan Desk’ naman ay magsisilbing central access point o kung saan direktang makadudulog ang publiko sa paghingi ng medical, financial, social at emergency support sa kani-kanilang Kinatawan o kaya’y sa partner agencies ng Kamara.
Para naman sa HRep Executive Check-Up Program, sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na ito ay isang health component na tutugon sa regular na pag papatingin sa doktor, na kadalasan ay hindi binibigyang-pansin ng mga kawani dahil sa pagiging abala sa trabaho o kaya’y nanghihinayang na gumastos.
“The health package is one of the most concrete parts of Alagang Kongreso because it answers a need people feel immediately. Mas nagiging posible ang preventive care at hindi na laging pinag papabukas ang pagpapa tingin kung may malinaw na proseso at coverage,” paliwanag pa ni Velicaria-Garafil.
Dagdag ng House Secretary General, mayroong dalawang paraan para makakuha ng nasabing health package.
“One is reimbursement, where the beneficiary may go to a hospital of choice and pay first, subject to reimbursement rules, and the other is direct payment through accredited partner hospitals, where the hospital bills the House directly.”
