
NANAWAGAN si House Quad Committee lead chair at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Food and Drug Administration (FDA) na maglabas ng patakaran para obligahin ang lahat ng pharmaceutical companies na ilagay sa label o packaging ang mabigat na epekto o side effects ng bawat produkto ng mga ito.
“Marami tayong natatanggap na ulat na iyong mga taong matagal nang gumagamit ng gamot para sa high blood pressure o diabetes ay nagkakaroon ng problema sa atay o sa kidney, at ang iba ay nagda-dialysis na. At napakatahimik ng mga big pharma at mga doktor natin sa mga developments na ito hinggil sa ating kalusugan,” pahayag ni Barbers.
Ayon mambabatas mula sa katimugan, kanyang isusulong ang panukalang batas na tugon sa aniya’y kakulangan ng ahensya na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino — yan ay kung hindi maglalabas ng memorandum circular o administrative order para sa mga kumpanya ng gamot ang FDA.
Para kay Barbers, dapat bigyan ng kapangyarihan ang food and drugs regulatory body na atasan ang mga malalaking drug companies na maglagay ng “side effects label warning” sa kada gamot na binebenta sa merkado.
“While hundreds of pharmaceutical drugs are available in the local market to relieve symptoms, treat medical conditions, and prevent diseases, most medications, while working to achieve their goal targets, usually do more than what they are supposed to, which is the reason for adverse side effects,” ani Barbers.
“The side effects of certain medicines can range from minor to severe, sometimes even life-threatening; and its occurrence and severity vary from person to person, depending on a person’s age, gender, BMI or body mass index and other comorbidities.”
“I am neither a doctor nor a medical expert, pero ang malaking problema sa karamihan sa mga Filipino ngayon ay takot o ayaw magpunta sa doktor upang magpa-checkup at magpa-reseta dahil mahal ang bayad. Kaya ginagawa ng ibang may sakit ay nangongopya na lang ng gamot ng iba, partikular na iyong gamot sa high blood at diabetes,” dugtong niya.
Naniniwala si Barbers na doon nag-uumpisa ang problema ng mga pasyente o umiinom ng maintenance medicines dahil walang nagsasabi o nagpapaliwanag sa mga posibleng side effects ng gamot na iniinom.
“Kung sa sigarilyo at sa mga sasakyan ay may ganung klaseng mga label, dapat lang siguro na meron din warning label about adverse side effects ang lahat ng mga produktong gamot, lalo na iyong mga ini-ingest natin o iniinksyon sa ating katawan. At dapat din ipaalam ng mga duktor ang mga bagay na ito sa lahat ng kanilang pasyente,” giit ng kongresista.
Samantala, nagtataka ang Mindanao lawmaker kung bakit ang mga medical scientist na kinuha ng big pharma companies ay hindi gumagawa ng mismong gamot para sa diabetes, high blood pressure, kanser, at iba pa, sa halip ay nakatuon ang kanilang imbensyon sa pag-aalis ng sakit lamang at pag-iwas sa sanhi ng sakit.
“Ang isa sa posibleng sagot dito ay ayaw nila. Dahil kapag gumaling na ang tao sa kanilang mga sakit, konti na lang ang bibili ng gamot nila. At dito ay wala na silang kita o ganansya na umaabot sa bilyon-bilyong piso o dolyar.” (Romeo Allan BUtuyan II)