
Ang acupuncture ay isang sinaunang paraan ng panggagamot sa paraan ng pagtundos ng manipis na karayom sa balat o mga tissue. Sa bansang Tsina, higit na kilalang epektibo ang acupuncture sa iba’t ibang anyo ng karamdaman — pisikal, mental, at emosyonal.
MAGKATUWANG ang Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) at ang Serve the People Health and Wellness (STP-HW) Volunteers sa pagtatayo ng bagong klinika na naglalaan ng alternatibong gamutan.
Ang bagong klinika ay matatagpuan sa 56 Mother Ignacia Avenue, Diliman, Quezon City, sa ikalawang palapag ng PRRM building (sa pagitan ng Scout De Guia Street at Scout Dr. Lazcano Street).
Ang serbisyong medikal ay bukas tuwing Martes mula 10:00 am hanggang 5:00 pm. para sa masang mahihirap. Sa bahagyang pagbubukas ng klinika, 35 pasyente agad ang nagpakonsulta.
Kagyat na ginampanan ng pitong STP Health and Wellness Volunteers ang paglapat ng kaukulang lunas gaya ng acupuncture, massage therapy at cupping therapy sa bawat pasyente.

Ayon kay Agapito Gaddi, pangkalahatang coordinator ng STP-HW – “Kami ay lubos na nagagalak sa positibong tugon mula sa komunidad. Pagsisikapan namin na palawigin ang alternatibong pangangalaga sa kalusugan para sa kapakanan ng masang mamamayan.”

Sa isang balik-tanaw, ikinuwento ni Gaddi ang paano nagsimula ang kanilang alternatibong programa sa serbisyong medikal noong 2006. Unang sabak aniya ng STP Health and Wellness Volunteers ang isang medical outreach mission sa Barangay San Roque sa Quezon City.
Pag-amin ni Gaddi, may mga pagkakataon kinakapos ang grupo — bagay na aniya’y nareremedyuhan naman umano ng mga donasyon.
Gayunpaman, nilinaw niyang mahigpit na umiiral ang isang panuntunan kung saan prayoridad palagi ang pangangailangan ng mga tinatawag na “iskwater” at iba pang pasok sa kategorya ng “marginalized sector.”
Isa din sa pangunahing layunin ng grupo sa paglikha ng alternatibong gamutan ay makatulong sa mga beteranong aktibista na sumalungat sa diktadura noong unang sigwa ng dekada sitenta. Sinabi pa ni Gaddi na sila ay mga senior citizen na at nangangailangan ng medikal na atensyon.
Ipinaabot din ng grupo ang kanilang taos-pusong pasasalamat kina Edicio dela Torre, ang pangulo ng PRRM, at Erin Tanada, ang tagapangulo ng PRRM, sa pagsasama ng STP Health and Wellness Volunteers sa programang pangkalusugan ng PRRM.
“Sa pamamagitan ng kanilang mabuting suporta at pakikipagtulungan, maaari naming mapa-igting ang pagsasanay at pagsulong ng alternatibong gamutan”, pagtatapos ni Gaddi.