HINDI dahilan ang pagiging abala ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan sa nalalapit na Kapaskuhan para isantabi ang pagtugis sa mga sindikatong pahirap sa pamahalaan, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr..
Bilang patunay, hindi bababa sa P143-milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang sinamsam ng Philippine National Police (PNP) sa isang operasyon kamakailan sa kahabaan ng Araneta Avenue sa Quezon City.
Higit pa sa pagsabat sa smuggled na sigarilyo, tatlong iba pa ang inaresto bunsod ng tangkang panunuhol.
INTEGRIDAD NG PULIS
Ang pagkakasamsam sa P143-milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ay nagpapakita ng malinaw at matatag na paninindigan ng PNP laban sa ilegal na kalakalan at katiwalian.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Nartatez na patuloy na nagbibigay-diin sa disiplina, malinaw na command responsibility, at integridad sa hanay ng kapulisan.
Madaling araw ng Disyembre 17, habang nagsasagawa ng routine anti-carnapping at traffic enforcement operations ang mga operatiba ng PNP Highway Patrol Group (HPG), Regional Highway Patrol Unit – 3, HPU-NCR, HPU-4A at HPG Special Operations Division sa Araneta Avenue, Quezon City, nasabat ang dalawang trailer truck.
SUSI SA TIBAY NG KASO
Bukod sa PNP-HPG na pinamumunuan ni Brig. Gen. Hansel Marantan, katuwang din sa isinagawang operasyon ang Bureau of Customs na pinamumunuan ni Brig. Gen. Nolasco Bathan.
Sa inspeksyon, napag-alamang hindi rehistrado ang mga sasakyan at kargado ng tinatayang 2,000 kahon ng sigarilyong pinaniniwalaang undocumented at smuggled.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang kargamento ay nagmula umano sa isang coastal area sa Bauan, Batangas, at patungo sana sa Valenzuela City.
Dahil sa laki ng operasyon, agad na nakipag-ugnayan ang HPG sa Bureau of Customs at iba pang ahensya upang masiguro ang maayos na paghawak sa ebidensya at mapalakas ang case build-up laban sa mga nasa likod ng sindikato.
TANGKANG PANUNUHOL
Mas lalong lumalim ang kaso nang makatanggap ng kumpirmadong impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa tangkang panunuhol kaugnay ng naimpound na mga truck.
Bandang 3:35 ng hapon ng Disyembre 17, nagsagawa ng entrapment operation ang Regional Highway Patrol Unit 3 sa Camp Olivas, lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Sa operasyon, umano’y nag-alok ang mga suspek ng P5 milyon kapalit ng paborableng aksyon. Tatlong indibidwal ang naaresto — sina Gener Manzanero Gonzales (58-anyos), Rogie Aycardo Rueda (40), at Loreto Andal Gertes Jr. (48), na nahaharap sa kaukulang kaso.
Narekober din ang perang ginamit sa panunuhol.
PANININDIGAN SA MANDATO
Binigyang-diin ni Interior and Local Government Secretary Juanito Victor Remulla na hindi papayagan ng pamahalaan ang paggamit ng mga lansangan para sa ilegal na kalakalan, higit lalong hindi kukunsintihin ang anumang anyo ng panunuhol o panghihimasok sa pagpapatupad ng batas.
Para sa PNP, malinaw ang mensahe sa ilalim ng pamumuno ni Chief Nartatez: ang batas ang susundin, hindi impluwensya. Anumang tangkang sirain ang integridad ng kapulisan ay haharap sa mabilis at buong pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas. (BONG SON)
