HINDI bababa sa 100,000 pirasong ng Subscriber Identification Module (SIM) cards ang sinamsam ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) matapos salakayin ang isa pang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub sa lungsod ng Las Piñas.
Ayon kay PNP-ACG Spokesperson Captain Michelle Sabino, pawang hindi rehistrado ang nasamsam na SIM cards kasabay ng giit na ang pag-iingat at kustodiya ng mahigit 100,000 SIM cards ay limitado lamang sa mga telecommunications company.
Sa ulat ng PNP-ACG, dalawang dayuhang menor de edad – isang Malaysian at isang Indonesian – ang nasagip sa operasyon kasama ang National Telecommunications Security Council (NTSC).
Una nang nalagay sa alanganin ang PNP-ACG matapos pasukin ang isang POGO hub na noong nakaraang buwan. Giit ni Justice Secretary Crispin Remulla, ilegal ang pagsalakay sa POGO firm kung saan kabilang sa mga nahagip ang mga dayuhang wanted sa pinanggalingan bansa.
Hinala ng PNP-ACG, posibleng ginagamit sa online scams at iba pang cyber crime activities ang mga nakumpiskang SIM cards.
Bukod sa sandamakmak na SIM cards, kumpiskado rin sa naturang operasyon ang 10 multi-port GSM models, mga makabagong makinang gamit sa text blast (pagpapadala ng bultong mensahe sa iba’t-ibang mga recipients sa pamamagitan lamang ng isang click).
Karagdagang Balita
PROTOCOL PLATE NG SUV SA EDSA BUS LANE PEKE?
PNP NA-WOW MALI SA ERMITA ILLEGAL POGO RAID?
PRICE CONTROL HIRIT SA BENTAHAN NG ISDA