KONTAMINADONG tubig ang nakikitang dahilan ng pamahalaang panlalawigan ng Albay sa pagkamatay ng dalawa katao sa bayan ng Rapu-Rapu.
Ayon kay Engr. William Sabater na tumatayong hepe ng water and sanitation division ng Albay Provincial Health Office, patuloy pang ginagamot sa pagamutan ang 25 iba pang residente ng Barangay Manila ng nasabing bayan bunsod ng pagsusuka at pagtatae.
Sa impormasyong inilabas ng pamahalaang panlalawigan, sa Legazpi City Hospital na binawian ng buhay ang isang 33-anyos na babae, habang sa Bicol Regional Hospital naman nalagutan ng hininga ang 67-anyos na lolo.
Bilang tugon, agad na nagpadala ng mga galon-galong tubig, oresol at aquatabs ang lokal na pamahalaan sa naturang barangay.
Batay sa resulta ng ginawang microbiological examination sa water samples na kinuha sa limang bukal na pinagkukunan ng tubig-inumin ng mga residente, positibo kontaminado.
Paniwala ni Sabater, posibleng naapektuhan ang kalidad ng tubig bunsod ng malakas na pag-ulan sa nabanggit na lalawigan.