SA pagpapatuloy ng tinaguriang internal cleansing sa hanay ng pambansang pulisya, binulaga ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga opisyal at personnel sa isang drug test para tiyakin walang bahid-droga ang nasa sariling bakuran.
Unang sumalang sa drug test to NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez sa ginanap na command conference sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig.
Hindi naman nagpaiwan ang iba pang opisyales ng pulisya – kabilang mga police regional staff, limang district directors, mga chief of police at station commanders – na kusang-loob sumailalim sa drug test ilang saglit matapos simulan ang pagpupulong na pinatawag ni Nartatez sa kanyang tanggapan.
Para kay Nartatez, higit na angkop ang sigasig sa paglilinis ng hanay ng pulisya bilang pagtugon sa 5-Focused Agenda ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. na una nang nanawagan sa layuning itaas ang antas ng integridad ng pambansang pulisya.
Pag-amin ni Nartatez, siya man ang nalulungkot sa sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga pulis sa iba’t ibang kontrobersiya, subalit nanindigan na kailangan ibangon muli ang imahe ng PNP sa sa pamamagitan ng paglilinis sa kanilang hanay.
Tiniyak din ng NCRPO chief na hindi palalampasin ang sinumang pulis na sangkot sa katiwalian at krimen.
“I will not tolerate scalawags in NCRPO especially those who are involved in illegal drug activities, sinisiguro kong may kalalagyan kayo. Patuloy ang NCRPO sa paglilinis sa aming hanay para sa tapat at marangal na serbisyong publiko,” babala ni Nartatez.