
WALA nang buhay nang maiahon ng mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang dalawang batang nalunod sa daluyan ng tubig sa Quezon City.
Sa inisyal na report ng QCDRRMC, bandang 12:32 ng tanghali nang makatanggap ng tawag hinggil sa dalawang batang nalunod sa Sitio Bakal, Barangay Bagong Silangan ng nasabing lungsod.
Agad na nagsagawa ng retrieval operation ang QCDRRMC at BFP hanggang sa matagpuan ang 13-anyos na si Francis Alcala na agaw-buhay na bandang 1:19 ng hapon.
Matapos ang ilang oras, pumanaw din sa pagamutan ang biktima.
Bandang 2:06 naman ng hapon nang matagpuang wala ng buhay ang 15-anyos na si Jobert Francisco ng Sitio Veterans.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay sa nasabing insidente.