SA gitna ng napipintong phase-out ng mga tinaguriang ‘hari ng kalsada,’ isang linggong tigil-pasada ang tugon ng tinatayang 40,000 tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep na bumabyahe sa Metro Manila.
Kabilang sa mga nagpahiwatig ng pakikiisa sa nakaambang tigil-pasada mula Marso 6 hanggang 12 ang mga UV Express operators na una nang nagpahayag ng pagtutol sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program na isinusulong ng pamahalaan.
Sa hanay ng mga drayber ng dyip, pasok ang mga miyembro ng grupong Alliance of Concerned Transport Organizations, Manibela at Piston.
Sa datos ng Department of Transportation (DOTR), nasa 400,000 units ng mga traditional jeeps ang wawalisin sa mga lansangan ng Metro Manila pagsapit ng Abril.
Sa nasabing bilang 40,000 units ang inaasahang makikiisa sa nakakasang tigil pasada sa kabisera, bilang tugon sa ultimatum na ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator na hindi pa nakakatugon sa tinaguriang ‘industry consolidation.’
Sa ilalim ng naturang programa, obligadong sumapi sa kooperatiba o korporasyon ang mga operator at tsuper na namamasada sa Metro Manila.
Una nang sinabi ng LTFRB na hindi agad patitigiling pumasada ang mga traditional jeeps sa kondisyong susunod sa inilabas na reglamento.
Gayunpaman, hindi kumbinsido ang mga operator at tsuper ng mga traditional jeeps. Anila, hindi nila kaya ang P2-milyong halaga ng mga modern jeeps na isinusulong ng pamahalaan.
Anila, magsampa na lang sila sa husgado ng temporary restraining order laban sa PUV Modernization Program.
