
TILA naliitan ang isang pusakal na tutok-kalawit na nakulimbat mula sa hinoldap na biktima sa Novaliches, Quezon City, kaya ang kanyang ginawa – pati ang motor ng kanyang nabiktima tinangay na rin niya.
Gayunpaman, hindi sinuwerteng makalayo ang 51-anyos na suspek na si Bobong Perez Carcillar matapos siyang abutan ng mga rumespondeng tanod sa tawag ng saklolo ng biktimang si Chris Jericho Pascua.
Sa ulat ng Quezon City Police District – Novaliches Police Station 4, dakong alas 10:45 ng gabi nang tutukan ng suspek ang biktima gamit ang isang icepick sa Barangay Nova Proper. Pagkatapos makuha ang pera at cellphone ng binata, umangkas sa motor ng biktima para tumakas.
Pagdating sa Susano Road, pinababa di umano ni Carcillar ang biktima na sa halip na sumunod at nagpasya na lang na ibangga ang motor.
Timbog ang suspek sa mga rumespondeng tanod. (LILY REYES)