SA halip na sa takdang patutunguhan, sa pagamutan na ibinaba ng rumespondeng emergency rescue team ang siyam na pasahero matapos maaksidente ang sinasakyang dyip sa Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector, dakong alas 6:00 ng umaga nang salpukin ng rumaragasang pampasaherong dyip ang isa pang sasakyan sa panulukan ng Kamuning Road at Judge Jimenez St. ng nasabing lungsod.
Kwento ng mga biktima, hindi na nagawang tapakan ng hindi tinukoy na tsuper ang preno ng minamanehong dyip hanggang sa mahagip ang isa pang sasakyan sa mismong stoplight sa naturang intersection.
Pagkatapos sumalpok, nawalan di umano ng kontrol ang drayber hanggang sa tuluyang tumagilid ang minamanehong sasakyan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon, habang idineklarang ligtas sa peligro ang siyam na pasaherong agad na dinala sa ospital hindi kalayuan sa lugar na pinangyarihan.