
MATAPOS sumambulat ang di umano’y VIP treatment na iginawad ng Bureau of Immigration (BI) sa mga detenidong banyaga, sinalakay ng Philippine National Police (PNP) ang BI detention facility sa Taguig City kung saan nakumpiska ang cellphones, laptops at internet router na gamit sa mga ilegal na transaksyon.
Ayon sa PNP – National Capital Region Police Office (NCRPO), timbre ng isang impormante ang nagtulak sa kanila para pasukin ang Immigration detention facility na nasa loob mismo ng Camp Bagong Diwa kung saan naroon ang punong himpilan ng NCRPO.
Sa isinagawang operation greyhound, kumpiskado rin kahon-kahong sigarilyo. Wala naman di umanong nakuhang droga sa paghahalughog ng mga selda. Isinailalim na rin sa drug test ang mga BI personnel na nagbabantay sa naturang pasilidad.
Una ng napabalita ang di umano’y VIP treatment na ibinibigay ng ilang tiwaling empleyado ng naturang kawanihan ng sa isang Japanese national na pinaniniwalaang pinuno ng malaking sindikato.
Ayon kay Justice Sec. Crispin Remulla, iniimbestigahan na ng kanyang tanggapan ang mga Immigration personnel na di umano’y nakikinabang sa detenidong si Yuki Watanabe, alyas Luffy.
“This matter is under investigation. Any Bureau of Immigration involved in helping give communications equipment to persons detained will be dealt with severely. It is a big problem in all detention facilities,” pahayag ni Remulla.
Taong 2021 pa nang dakpin at ikulong si Watanabe sa BI custodial facility. Habang nasa piitan, patuloy pa rin di umanong nakakapag-operate ng kanyang pinamumunuang sindikato sa tulong ng mga BI personnel na nagbibigay ng cellphone, laptop at iba pang kailangan.
Giit ni Remulla, kailangan ideport pabalik ng Japan si Watanabe sa ikalawang linggo ng Pebrero, kasabay ng pagtitiyak na mananagot ang mga BI personnel na nakinabang ng husto sa lingguhang suhol ng wanted na Hapon.